Mahigit 300 mga bata at matatanda ang nag-benepisyo sa libreng gamutan at pagbunot ng ngipin sa inilunsad na medical at dental mission ng Our Lady of Lourdes Hospital-Manila at ng DWIZ Metro Patrol sa Jaime Cardinal Sin Village, Punta, Sta. Ana, Maynila nitong Marso a-kwatro.
Ang naturang pagtulong sa mga kapuspalad nating kababayang maysakit ay sa pakikipagtulungan din ng Parokya ng Inang Laging Saklolo sa naturang village at, syempre pa, sa tulong ng mga nagboluntaryong doctors, nurses at hospital staff ng Our Lady of Lourdes Hospital.
Ayon kay Lea Austria, VP-Human Resources ng Our Lady of Lourdes Hospital, bukod sa mga check-up ay nagbigay din sila ng mga libreng gamot at anti-biotic. Bukod naman sa mga gamot, ang mga binunutan ng ngipin ay binigyan pa ng ice cream upang lalong maging magaang ang pakiramdam ng mga pasyente.
Masigasig ding tumulong ang Metro Patrol Volunteers upang magsilbing tagahawak sa mga binubunutan ng ngipin, naging tagapag-ayos sa mga pumipilang mga pasyente, at sa paghahatid ng mga pagkain para sa mga nagboluntaryong doctors, nurses at staff.