Sa kauna-unahang pagkakataon, inilunsad ng isang ospital sa New Jersey sa Estados Unidos ang isang medical program na partikular na nakasentro sa mga Filipino o Filipino-Americans.
Base sa online report ng nj.com, ang nasabing medical program ay inilunsad ng Holy Name Medical Center na tutulong sa mahigit 10,000 Pinoy na nakabase sa New Jersey.
Sinabi ni Dr. Ray Villongco na ang naturang medical program ay mayroong malalim na pagunawa sa Filipino dietary at health habits ng mga Pinoy.
Bukod sa pagkakaroon ng Filipino dishes ng ospital, magbibigay rin ito ng mga Filipino newspapers at TV shows sa mga pasyente at ita-translate din nila ang patient guides sa wikang Filipino.
Tiniyak din ni Kyung Hee Choi, Vice President ng Asian Health Services ng ospital na makikinabang sa mga nasabing health programs ang mga Pinoy na hindi kayang i-afford ang healthcare dahil sa kawalan ng insurance, language barrier at high business costs.
By Allan Francisco