Idaraos ng Metro Manila Film Festival (MMFF) ang kauna-unahang Fluvial Parade of Stars o floating parade tampok ang mga artistang parte ng film festival ngayong taon.
Ayon kay MMFF Chairman Benhur Abalos, highlight sa floating parade ang mga ferry service at comeback ng MMFF sa mga sinehan ngayong maluwag na ang quarantine restrictions.
Layon ng nasabing parada na hikayatin ang mga komyuter na tangkilikin ang pagsakay sa mga ferry service na bukod sa nag-aalay ng magandang tanawin ay iiiwas pa ang mga ito sa trapik.
Gaganapin ang Fluvial Parade mula sa Guadalupe Ferry Station hanggang sa Makati Circuit.
Matatandaang noong nakaraang taon ay naging virtual o online ang selebrasyon ng MMFF Parade of Stars dahil sa banta ng COVID-19. —sa panulat ni Joana Luna