Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng kamara ang house bill 8606 na nagsasabatas sa kauna-unahang nationally-funded government hospital sa bayan ng Bocaue sa Bulacan.
Sang-ayon sa naturang panukala, ang naturang pagamutan ay gagawing level 2 hospital na siyang popondohan ng pamahalaan sa pamamagitan ng health department.
Ibig sabihin, bilang level 2 hospital, magkakaroon ang naturang ospital ng 100 bed capacity, at ilan pang mga standard hospital amenities o ‘yung mga emergency rooms, isolation rooms, operating rooms at iba pa.
Kaugnay nito, nakasaad din sa panukalang batas na isusunod sa pangalan ng yumaong Alkalde na si Joni Villanueva ang naturang pagamutan bilang pagkilala sa opisyal na siyang nagpasimula nito.
Dahil dito, nagpasalamat ang kanyang ama na si House Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva, at sinabi na ang pagpasa ng kongreso sa house bill 8606 ay pagtugon ng kapulungan sa pangangailangan ng mga Bulakenyo para sa de-kalidad na serbisyong medikal.
Ako po ay nagpapasalamat sa programang batas na ito na direktang pagkilala at pagtugon ng kongreso sa pangangailangan ng mga Bulakenyo para sa dekalidad na serbisyong medikal. Ito po ang kauna-unahang nationally funded sa buong lalawigan ng Bulakan,″ pahayag ni Bro. Eddie Villanueva.