Isang oras matapos ipatupad ang gun ban kaninang alas-12:00 ng hatinggabi, may naaresto na agad na lumabag dito.
Kinilala ang kauna-unahang gun ban violator na si Jonathan Sison, 33-anyos at dating security guard.
TINGNAN: Kauna-unahang gun ban violator, naaresto sa isang KTV bar sa Cadiz City, Negros Occidental; suspek, nakasuot pa ng police athletic uniform nang mahuli. @dwiz882 pic.twitter.com/sw0MW3aRRQ
— Jonathan Andal (@JonathanAndal_) April 14, 2018
Ayon kay Chief Inspector Joem Malong, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) Region 6, nagsasagawa ng Oplan Bakal Sita ang mga pulis kaninang ala-1:00 ng madaling araw nang mapansin ang suspek na nakasuot ng PNP athletic uniform at may bitbit na baril habang nakikipag-inuman sa isang KTV bar sa Cadiz City sa Negros Occidental.
Nang lapitan, napag-alaman na hindi ito totoong pulis.
Nakumpiska mula rito ang isang revolver na walang serial number at may lamang mga bala.
Kakasuhan ito ng paglabag sa Comelec gun ban at illegal use of uniforms or insignia.
Paalala ng PNP, suspendido ang Permit to Carry Firearms and Residence ngayong April 14 hanggang May 21 at tanging mga alagad ng batas lamang na nakasuot ng wastong uniporme ang papayagang magbitbit ng baril.
Samantala, sa panayam ng DWIZ, sinabi ni PNP Spokesman Chief Superintendent John Bulalacao na generally peaceful ang unang araw ng election period.
—-