Pumanaw na ang kauna-unahang taong sumalang sa Pig Heart Transplant sa ospital ng Maryland, United States.
Kinilala ang lalaking pasyente na si David Bennett, 57-anyos na tumanggap ng puso mula sa genetically modified na baboy.
Matatandaang January 7 nang himalang napagtagumpayan ni Dr. Bartley Griffith na operahan si Bennett kung saan, naglabas pa ng video ang naturang ospital na nasa normal na kundisyon ang nasabing pasyente.
March 8 nang ideklara ng ospital ang pagkasawi ni Bennett pero hindi binanggit ni Dr. Griffith ang malinaw na dahilan ng pagkamatay nito.
Sa isang video statement, sinabi ni Muhammad Mohiuddin, Direktor ng Cardiac Xenotransplantation Program ng unibersidad, na nagkaroon ng “infectious episodes” si Bennett at lumala makalipas ang ilang araw.
Sa ngayon, nagpaabot na ng pakikiramay ang Maryland Hospital sa pangunguna ni Dr. Griffith at ipinagmalaki ang pagiging matapang at marangal na pasyente ni Bennett.
Sinabi pa ni Dr. Griffith na ang naturang transplant ay nagbigay ng pag-asa na ang pagsulong sa cross-species organ donation ay makatutulong upang malutas ang talamak na kakulangan ng mga human organs sa United States. —sa panulat ni Angelica Doctolero