Nakatakda nang ilunsad ng pamahalaan sa ikatlong linggo ng Marso ang kauna – unahang Emergency Warning Broadcast System (EWBS) na magpapadali sa paghahatid ng impormasyon sa iba’t ibang komunidad sa Metro Manila lalo sa panahon ng kalamidad.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, gagamitin ng EWBS ang frequency ng telebisyon partikular na ang PTV kung saan ay maaari nang ipaabot ang mga babala sa iba’t ibang kalamidad tulad ng bagyo, lindol at iba pa.
Binigyang diin ng kalihim, mahalagang papel aniya ang gagampanan ng naturang sistema dahil kasama ang Pilipinas sa Pacific Ring of Fire at madalas ding daanan ng mga malalakas na bagyo.
Nakapaloob din sa plano ayon kay Andanar na isama ang lahat ng mga gumagawa ng digital tv receiver sa mga oobligahing sumunod sa naturang sistema.