Naglabas ng kautusan si Quezon City mayor Joy Belmonte kaugnay sa paglalagay ng fireworks display sa mga private households para mabawasan ang mga maitatalang firecrackers injuries. Sa ilalim ito ng Executive Order No.54 series of 2022.
Papayagan lamang ang fireworks display sa mga pampublikong lugar kung aprubado ito ng pamahalaang lungsod.
Ayon kay Belmonte, nais lamang nilang maiwasan ang mga insidenteng sunog at mabawasan ang mga pinsalang epekto ng mapanganib na kemikal at pollutant.
Maaaring mabili at mabenta ang mga paputok sa mga shopping mall na may clearance mula sa Department of Public Order and Safety (DPOS) at special permit mula sa business permits and licensing department.
Hindi naman pinapayagan ang tradisyonal na pagbebenta sa mga bangketa at tiangge, gayundin ang pagbebenta ng mga paputok sa mga menor-de-edad.
Ang mga lalabag ay maaaring magmulta ng hanggang P5,000 na parusa o isang taong pagkakakulong bukod pa sa mga parusang ipinataw ng Republic Act 7183 at Fire Code of the Philippines.
Nag-ugat ang desisyon ng Quezon City matapos maglabas ng datos ang Department of Health (DOH) na nagpapakita ng pagtaas ng 47% ang mga naputukan noong nakalipas na taon. —mula sa panulat ni Maize Aliño-Dayundayon