Ibinasura ng Court of Appeals ang kautusan ng Ombudsman na sibakin sa pwesto si dating Makati Mayor Junjun Binay dahil sa kasong administratibo kaugnay sa konstruksyon ng Makati City Hall Parking Building na nagkakahalaga ng umano ng 1 point 5 billion pesos.
Magugunita noong September 7, 2015 ay hinatulang guilty ng Ombudsman si Binay at 19 na iba pang opisyal ng Makati City Government sa kasong serious dishonesty at grave misconduct dahil sa umano’y overpriced na parking building.
Sa 159 na pahinang desisyon ng 10th division ng C.A na pinonente ni Associate Justice Edwin Sorongon, pinaburan nito ang petisyon ni Binay kasabay ng pagbasura sa reklamong administratibo na isinulong ng tanodbayan laban sa dating alkalde.
Ipinunto ng appellate court na “moot and academic” na ang administrative complaint laban kay Binay dahil ang pinagbatayan ng reklamo ay saklaw pa ng condonation doctrine.
Sa ilalim ng condonation doctrine, hindi maaaring disiplinahin ang isang opisyal na muling nahalal sa administratibong paglabag na kanyang nagawa sa nakaraang termino.
(With report from Bert Mozo)