Hinihintay na lamang ng government peace panel ang lalagdaang executive order ni Pangulong Rodrigo Duterte para simulan ang localized peace talks sa mga miyembro ng NPA o New People’s Army.
Iyan ang inihayag ni Government Peace Panel Chief Negotiator Silvestre Bello III bilang reaksyon sa pahayag ni NDF o National Democratic Front Consultant Jose Maria Sison na bukas pa rin sila sa usapang pangkapayapaan.
Ayon kay Bello, pursigido nilang ituloy ang mga pag-uusap sa ground dahil mas mararamdaman ito ng mga ordinaryong rebelde at bilang pagtupad na rin sa kautusan ng pangulo.
Magugunitang ipinangako ng pangulo sa kaniyang naging talumpati sa Davao City noong isang linggo na bibigyan niya ng magandang buhay ang mga rebeldeng magbababa ng armas at magbabalik loob sa pamahalaan.
Una rito, sinopla ng Malakaniyang ang pahayag na ito ni Sison at nilinaw na ang tinutukoy ng pangulo sa kaniyang talumpati ay ang mga rebeldeng sumuporta sa kaniya noong nakalipas na halalan.