Panandalian mong makakalimutan ang mga mabibigat na pasanin kapag nakatapak ka na sa natural park ng Ligao City, Albay, ang tinatawag na Kawa-Kawa Hill.
Bubusugin ang inyong mga mata ng paikot na mga berdeng tanawin at mula dito ay tila abot-kamay mo na rin ang ganda ng Bulkang Mayon.
Swak na swak rin ang lugar na ito tuwing Semana Santa kung saan dinarayo ito ng mahigit 100,000 deboto dahil tampok sa park na ito ang Stations of the Cross na makikita sa palibot nito kung saan maaaring magnilay-nilay at magdasal.
Ngunit hindi lamang ito para sa mga kababayan nating Katoliko bagkus bukas ito sa iba pang relihiyon at ano pa man ang estado mo sa buhay; mapa-mayaman man o mahirap; may posisyon man sa gobyerno o ordinaryong mamamayan.
Pasok rin ito bilang isang summer destination dahil maaring makapag-bonding dito ang bawat pamilya at mga magbabarkada dahil sa lawak ng lugar.
Paraiso kung maituturing ang natural na ganda ng Kawa-Kawa Hill kaya’t hindi ito pwedeng mawala sa listahan niyo kapag nagawi kayo sa probinsya ng Albay.
Bakit ito tinawag na ‘Kawa-Kawa’?
Ayon sa pioneer ng Kawa-Kawa Hill na si Dr. Fernando V. Gonzalez (dating Mayor at dating Gobernador sa Albay), una itong tinawag na ‘lu-nad’, isang salita sa Bicol na ang ibig sabihin ay malalim.
Aniya, bigla na lamang tinawag na Kawa-Kawa Hill ang naturang natural park dahil na rin aniya umano sa hugis o hitsura ng burol na parang isang kawa kung saan may malalim na uka ito sa gitna.
Kuwento ni Gonzalez ang Kawa-Kawa ay isa lamang ordinardyong burol na puno ng talahib at wala pang mga puno noon ngunit nang magretiro siya sa pulitika, napagdesisyunan niyang pagandahin ang nasabing burol na pangarap aniya niya noong bata pa siya.
Itinayo na lamang umano ang mga punong nakapalibot dito, sa tulong na rin aniya ng mga gustong mag ‘Tree Planting’ sa lugar.
Sa kabilang banda, humingi naman ng pahintulot ang mga madre ng Carmelite para maitayo ang Stations of the Cross at ang simbahan sa paanan ng burol.
Ang simbahan ng Carmelite ay may isinusulong ngayong isang programa kung saan maaaring itatak ang paa ng gustong mag-donate sa simbahan sa isang semento na magsisilbing isang ‘tile’ na ilalagay sa hagdan paakyat sa simbahan.
Patuloy na pinapaganda ang naturang park dahil na rin umano sa demand ng mga taong bumibisita dito.
Isa na rito ang paglalagay ng mga konkretong hagdan para sa maginhawang paglalakad ng mga umaaakyat dito.
Ani Gonzalez, bagamat patuloy ang kanilang pagpapaganda sa park hindi pa rin nila pinahihintulutan na magkaroon ng mga food establishments sa itaas ng burol upang mapanatili ang natural na ganda nito.
Kaya’t tanging maliliit na sari-sari store lamang ang makikita sa piling parte ng Kawa-Kawa.
Sa kinang na linis ng paligid dito ay mahihiya kang magtapon ng basura kaya’t isa na rin ito sa nagiging sikreto ng lugar upang mapanatili nito kalinisan sa paligid.
Tampok rin sa lugar ang ATV ride, isang rest house, mga iba’t ibang uri ng ibon, maraming sunflowers at iba pa.
Mainam rin na makapunta sa tuktok ng burol bago pumutok o lumubog ang araw para masilayan ang sunrise at sunset.
Tulad ng nabanggit ni Dr. Fernando Gonzalez, bago umakyat ng burol ay iwanan na muna sa ibaba ang mga titulo dahil walang kongresista, mayor o gobernador, abogado o engineer, mayaman o mahirap sa mata ng Diyos.
Tunay na maituturing na God given ang Kawa-Kawa Hill na dapat nating pangalagaan at patuloy na mahalin.
Paano makakarating sa Kawa-Kawa Hill?
Kung galing ng Maynila o Naga City Bus Terminal
Sumakay ng bus na papuntang Legaspi City (Bicol) at sabihin sa drayber na ibaba kayo sa Seventh Day Adventist Church sa Tuburan, Ligao City.
Mula sa Tuburan, sumakay sa tricycle na magadadala sainyo papunta sa base point ng Kawa-Kawa Hill na may P10.00 na pamasahe kada isa.
Kung galing ng Ligao City Proper
Sumakay ng tricycle na magdadala sainyo papuntang Tuburan, Ligao City at sabihin sa drayber na dalhin kayo sa base point ng Kawa-Kawa Hill na may P10.00 na pamasahe kada isa.
Kung galing ng Legazpi City
Sumakay ng bus na papuntang Naga City at at sabihin sa drayber na ibaba kayo sa Seventh Day Adventist Church sa Tuburan, Ligao City.
Mula sa Tuburan, sumakay sa tricycle na magadadala sainyo papunta sa base point ng Kawa-Kawa Hill na may P10.00 na pamasahe kada isa.
By Race Perez
‘Kawa-Kawa’ hill sa Ligao City Albay bilang geological wonder sa Bicol was last modified: April 20th, 2017 by DWIZ 882