Kawalan umano ng drainage system ang sanhi ng flashfloods at mudslides sa Banaue, Ifugao dahil sa mga nakatayong bahay.
Ayon kay Bontoc-Lagawe Bishop Valentin Dimoc, naharangan na ng mga bahay ang dapat na daluyan ng tubig kaya noong umulan dulot ng habagat ay sa mga kalsada na dumaan ang naipong tubig.
Wala anyang sapat na daluyan kaya’t umagos ang tubig at putik mula sa bundok.
Ipinanawagan naman ni Dimoc sa mga otoridad na maglagay ng drainage system nang sa gayo’y maging maayos ang pagdaloy ng tubig mula sa bundok patungo sa ilog.
Hinimok din ng Obispo ang mga residente na iwasan nang magtayo ng mga istruktura tulad ng mga bahay sa mga mapanganib na lugar upang maiwasan ang pinsala sa kalikasan.