Nang malaman ni Omar Gabriel Munoz mula sa California, USA na nanakawan siya, galit ang una niyang naging reaksyon. Sino ba namang hindi, ‘di ba?
Ngunit nang mapanood niya muli ang surveillance video ng insidente, natawa na lang siya.
Makikikita kasi rito ang isang itim na plastic trash bag na unti-unting lumalapit sa kanyang bahay. Pagkaakyat nito sa porch, tila hinigop nito ang isang package!
Nakatanggap si Omar ng notification sa isang app na na-deliver na ang kanyang order habang nasa trabaho.
Ngunit pagkauwi niya, hindi niya ito nakita. Dahil maliit lang ang package, naisip niyang tinangay ito ng malakas na hangin.
Nang i-check niya ang kanyang front door security camera, dito na niya natuklasan ang krimen.
Ang ninakaw? Isang package na may dalawang phone chargers na nagkakahalaga ng P570.
Hindi na ini-report ni Omar ang insidente sa mga pulis at tila natuwa siya sa creativity ng kawatan.