Nanawagan ng dayalogo ang Kapisanan ng mga Broadkaster ng Pilipinas (KBP) sa Philippine National Police (PNP) kaugnay sa kontrobersyal na pagbisita ng mga pulis sa bahay ng ilang miyembro ng media.
Sinabi ni KBP president Herman Basbaño na alanganin ang ginawang pagbisita ng mga Pulis sa bahay ng ilang taga-media dahil hindi naman sigurado kung tauhan ito ng ahensya.
Kaya aniya, dapat na mapag-usapan ito upang makabuo ng mekanismo para sa proteksyon ng media.
Iminungkahi din ni Basbaño dapat idaan na lamang ng PNP ang pakikipag-ugnayan sa media entity, opisina o organisasyon ukol sa nasabing usapin.
Pero kung may threat o banta aniya’y dapat itong i-direkta sa miyembro ng media.
Nabatid na humingi ng dispensa si Eastern Police District acting Director Col. Wilson Asueta sa kawani ng media na residente ng Marikina City na unang binisita ng PNP.
Paglilinaw ni Asueta nais lamang nilang masiguro ang kaligtasan ng media matapos ang pagpaslang sa broadcaster na si Percival Mabasa.
Samantala, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na ipinatigil na nila ang pagbisita ng mga Pulis sa bahay ng mga taga-media.