Dumistansya ang Kentex Manufacturing Corporation sa dismissal order na kinakaharap ngayon ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian at 6 na iba.
Kaugnay ito sa pagkasunog ng bodega ng Kentex sa Valenzuela na ikinasawi ng mahigit sa 70 katao.
Gayunman, iginiit ni Atty. Renato Paraiso, abogado ng Kentex Manufacturing Corporation na sinunod lamang ni Mayor Gatchalian ang direktiba ng Department of Interior and Local Government (DILG) na madaliin ang pag-isyu ng mga business permits.
Sa ngayon aniya ay 98 porsyento na ng pamilya ng mga biktima ang pumayag na sa settlement ng kaso.
“Wala pong suhulan, walang pandarayang nangyari, tama naman po yung sinabi niya na ginawa lang naman nila ang trabaho nila base sa isang memorandum circular na lumabas po during the time of Secretary Robredo in order for them not to be subject naman ng violation ng Anti-Red Tape Act, ibig sabihin kapag nag-apply sa inyo, bawal pong patagalin.” Pahayag ni Paraiso.
Business as usual
Tiniyak naman ng pamahalaang lokal ng Valenzuela City na normal ang operasyon sa syudad.
Sa harap ito ng pagsibak ng Office of the Ombudsman kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian at 6 na iba pa.
May kaugnayan ito sa di umano’y paglabag ni Gatchalian sa batas nang bigyan nila ng provisional operations permit ang Kentex Manufacturing Corporation kahit wala pa itong fire safety inspection certificate.
Sinabi ni Gatchalian na hindi nangyari ang gusto ng kanyang mga kalaban sa pulitika na magkagulo sa Valenzuela dahil agad naman silang nakakuha ng Temporary Restraining Order sa Court of Appeals (CA).
Matatandaan na mahigit sa 70 katao ang nasawi nang masunog ang bodega ng Kentex sa Valenzuela noong nakaraang taon.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas