Balik-bansa na ngayon ang tinaguriang drug lord ng eastern Visayas na si Kerwin Espinosa makaraang sunduin ng mga operatiba ng PNP Anti-Illegal Drugs Group o AIDG sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.
Lumapag ang Philippine Airlines Flight PR-657 sakay si Kerwin dakong alas-3:39 kaninang umaga mula sa Abu Dhabi airport.
Sinalubong si Espinosa ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa kung saan agad itong idineretso sa sasakyan patungong Kampo Crame sa Quezon City.
Pagdating sa Kampo Crame, isinailalim si Espinosa sa booking procedure, medical examination at saka ito pinakain ng almusal.
Pagkatapos nito, iniharap naman si Espinosa sa publiko sa pamamagitan ng ikinasang pulong balitaan ng Pambansang Pulisya.
Now in Camp Crame
Dumating na sa Camp Crame si suspected drug lord Kerwin Espinosa.
Ito ang kinumpirma ni PNP Spokesman Chief Supt. Dionardo Carlos.
Ayon kay Carlos, dumaan si Kerwin sa medical check-up at sa standard booking procedure.
Kasama sa inaabangan ay ang ilalabas na larawan o mug shot ni Kerwin na bahagi ng booking process.
Matapos itong iharap sa media, pansamantalang ikinulong si Kerwin sa PNP Custodial Center kung saan naka-detine rin ang mga senador na sina Bong Revilla at Jinggoy Estrada.
By Jaymark Dagala | Raoul Esperas (Patrol 45) | Jopel Pelenio (Patrol 17) | Rianne Briones | Jonathan Andal (Patrol 31)