Kampante ang Philippine National Police (PNP) na hindi na makalulusot pa si Kerwin Espinosa sa isa pang kasong isinampa nila laban sa isa umano sa big time drug lord ng Visayas.
Ayon kay Chief Inspector Jovie Espenido, hepe ng Ozamiz City Police, nagsampa noon ng ikalawang drug case laban kay Espinosa at ginamit nilang ebidensya ang pag-amin nito sa Senado na isa siyang drug lord.
Mabigat aniyang ebidensya ito kumpara sa mga pruwebang iprinisinta ng PNP-CIDG sa kasong ibinasura ng Department of Justice (DOJ).
Nilinaw naman ni Atty. Raymund Fortun, abogado ni Espinosa, mababasura rin ang ikalawang drug case sa kanyang kliyente dahil halos pareho lamang ang laman nito sa reklamong ibinasura ng DOJ.
Sa ngayon aniya ay may tatlo pang kasong kinakaharap si Espinosa at ang mga ito ay may kaugnayan pa rin sa droga, illegal possession of firearms at explosives.
Hindi rin maituturing na tuluyan ng malinis o absuwelto na sa pananagutan ang sinasabing big time drug-lord ng Visayas na si Peter Lim.
Ito’y kahit pinawalang-sala na si Lim at higit dalawampung (20) iba pa sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ng National Prosecution Service (NPS) ng Department of Justice.
Ipinaliwanag ng DOJ na hangga’t hindi pa isinasapinal ng Office of the Justice Secretary ang resolution ng NPS ay hindi pa ligtas si Lim at 20 iba pa.
Batay sa sinusundang mga alituntunin sa mga kasong may kaugnayan sa RA 9165 na ang lahat ng mga resolution ng NPS na may kaugnayan sa kaso ay agad itataas sa Office of The Secretary of Justice para naman sa automatic review.
Nauna ng ibinasura ng NPS ang isinampang kaso ng PNP-CIDG laban kina Peter Lim, Peter Co at Kerwin Espinosa et al dahil na rin sa kakulangan ng ebidensya o kawalan ng probable cause.
(May ulat nina Jonathan Andal / Bert Mozo)