Itinanggi ni Kerwin Espinosa ang alegasyon na may plano syang ipapatay si Chief Inspector Jovie Espenido, ang dating hepe ng Albuera PNP.
Sa isang statement na ipinamahagi sa media, sinabi ni Espinosa ayaw nyang may mangyaring masama kay Espenido dahil nais nyang sagutin nito ang lahat ng kasong may kaugnayan sa pang-aabuso nito sa tungkulin noong hepe pa ito ng Albuera PNP.
Maliban dito, mismong si Espenido anya ang nagsabi na nalansag na niya ang sindikato ng mga Espinosa kayat imposible na ang alegasyon nito na kaya pa nyang magpakilos ng mga tao upang ipatumba ang dating Albuera PNP Chief.
Ipinaalala pa ni Espinosa na minsan na ring pinagtangkaan ni Espenido ang kanyang buhay subalit nagkamali ito at isang inosenteng estudyante ang kanyang napatay.
Samantala, pinagtawanan lamang ng kampo ni Kerwin Espinosa ang alegasyon na patuloy itong nakakatawag sa kanyang mga tauhan sa Albuera Leyte noong panahong nasa custody pa ito ng Anti-Illegal Drug Group ng Philippine National Police.
Ayon kay Atty. Lani Villarino, abogado ni Espinosa, maaring bunga lamang ng malikot na imahinasyon ni Chief Inspector Jovie Espenido, dating hepe ng Albuera PNP, ang kanyang akusasyon.
Sinabi ni Villarino na, ang tanging pagkakataon na nakakahawak ng telepono si Espinosa para tawagan ang kanyang mga kapamilya sa Albuera ay kapag dinadalaw nila ito sa AIDG.
Una rito, ibinunyag ni Espenido na tinatawagan ni Kerwin ang kanyang mga tauhang nasa custody ng Albuera PNP para sabihing itutuloy pa rin nila ang kanilang illegal drugs operations sa hinaharap.
Hearing of cases
Igigiit ng kampo ni Kerwin Espinosa na mailipat sa Metro Manila ang paglilitis sa kanyang mga kasong nakasampa sa Baybay City Regional Trial Court.
Ayon kay Atty. Lani Villarino, mas magiging kampante sila sa seguridad ni Espinosa kung hindi sa Baybay City gaganapin ang paglilitis.
Sa ngayon anya ay kuntento sila sa seguridad na ibinibigay ng National Bureau of Investigation sa kanilang kliyente.
Isinusulong rin anya nila ang mabilis na pagproseso sa aplikasyon nila para maging state witness si Espinosa upang masakop ng security ang kanyang pamilya.
By Len Aguirre | Jonathan Andal (Patrol 31) | Ratsada Balita