Ipapatawag ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang suspected drug lord na si Kerwin Espinosa.
Ayon kay Senator Panfilo Lacson, mahalaga ang pagdalo ni Espinosa sa pagpapatuloy ng pagdinig hinggil sa pagkamatay ng kanyang amang si Ronaldo Espinosa Sr. sa susunod na linggo.
Maliban kay Kerwin, posible ring ipatawag ang ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na siyang nangangalaga ngayon sa seguridad ng sinasabing drug lord.
Hindi lang umano sa Espinosa killing ang magiging linya ng pagtatanong dahil nais ding malaman ng mga senador ang motibo sa krimen.
Samantala, kinumpirma din ni Senador Lacson na may mga isiniwalat si Kerwin Espinosa kay Sandra Cam hinggil sa mga pangalan ng mga taong binibigyan nila ng payola o drug money.
Ito ang sinabi ni Lacson matapos na makausap si Cam na isa sa mga sumundo kay Espinosa sa Abu Dhabi.
Ayon kay Lacson, may mga nasa blue book na pangalan na vinalidate ng nakababatang Espinosa.
Gayunman, tumanggi ang senador na ihayag kung sino ang mga binanggit ni Espinosa na mga nasa payola nila.
By Jelbert Perdez | Meann Tanbio | Cely Bueno (Patrol 19)