Sumuko na sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang 10 miyembro ng kilabot na Abo Private Armed Group sa Cotabato City.
Personal na sinaksihan ni CIDG Director P/MGen. Albert Ferro ang pagsuko ng pinuno ng grupo na si Ambei Anso Bansil at ng 9 pang miyembro nito.
Kasamang isinuko ng grupo ang iba’t ibang matataas na kalibre ng armas tulad ng homemade cal. 50 barret, cal. 7.62 barret, 2 garand rifle, 12 guage shotgun, 2 magnum .357 revolver, M-79 grenade launcher, KG9, 3 granada at mga bala.
Nabatid na kilala ang grupo bilang mga dating tagasunod ng yumaong Parang Maguindanao Mayor na si Talib Abo na isa sa mga pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa iligal na droga nuong 2016
Mula nang mapatay si Mayor Abo nuong 2019, nagsipulasan na ang grupo sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao partikular na sa Maguindanao at Zamboanga del Sur.
Dahil sa magandang alok ng Pamahalaan na bigyan ng isang maganda at disenteng buhay ang mga dating miyembro ng private armed group, nakumbinsi ang grupo na sumuko na lamang kaysa mapatay ng mga alagad ng batas. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)