Kilo-kilong karne ng mahigit 70 aso ang nasabat ng mga awtoridad sa Padre Garcia sa Batangas.
Timbog din sa nasabing operasyon ng National Meat Inspection Service, Batangas Provincial Police at isang non-government organization sina Emerson Balingaoan at Glen Bajacang na may dala ng mga nasabing dog meat sa kanilang sasakyan.
Inamin ng mga suspek na bagong katay ang mga aso mula sa Barangay Quilo Quilo at dadalhin sana nila sa isang restaurant sa Baguio City.
Nasabat ang mga nasabing karne ng aso matapos makatanggap ng tip ang mga awtoridad mula sa Animal Kingdom Foundation na nakasaksi sa anito’y bentahan ng karne ng aso sa Padre Garcia.
Inamin ng mga suspek na nagbayad sila ng P20,000 para sa mga nasabing karne ng aso mula sa isang lalaking nagturo sa kanila kung saan kukunin ang dog meat.
Kikita sana ang mga suspek ng P100,000 mula sa 770 kilos na dala nila dahil ibinibenta sa 150 pesos kada kilo ang nasabing karne sa Baguio City.
—-