Magdamag at walang humpay pa rin ang isinasagawang kilos-protesta kontra-gobyerno ng mga mamamayan sa kahabaan ng bayan ng Khartoum, kabisera ng bansang Sudan.
Ito’y bilang pagsalungat ng mga mamamayan ng Sudan sa idineklarang night-time curfew ng kanilang bagong military council sa kanilang bansa.
Kasunod din ito ng tuluyang pagbagsak ng kapangyarihan at pagkaka-aresto sa kanilang pangulong si Omar Al-Bashir sa kanyang 30 taong diktatoryal na pamamalakad bunsod din ng ilang buwang pagprotesta ng mga mamamayan laban sa gobyerno.
Giit ni Sara Abdeljalil ng Sudanese Professionals Association, ang pagpapatuloy ng militar sa pamamalakad sa kanilang bansa ay pagpapatuloy din ng kaparehong rehimen ni Al-Bashir.
Kaya’t dapat aniya nilang ipagpatuloy ang kanilang laban tungo sa kapayapaan.