Tahimik at maayos na naidaos ng mga grupong kontra administrasyon ang kanilang programa sa Luneta, Maynila kasabay ng paggunita ng ika-45 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law kagabi.
Duon nagtipun-tipon ang iba’t ibang mga grupo mula sa iba’t ibang dako ng Metro Manila sigaw ang mga panawagang wakasan na ang mga patayan sa ilalim ng kampaniya kontra droga, pagpigil sa pagbabalik ng diktadurya at tila pagbabalik ng Pilipinas sa panahon ng batas militar.
Subalit una rito, nagsunog muna ang mga militante ng effigy na hango sa isang rubik’s cube na may mukha nila Pangulong Rodrigo Duterte, dating Pangulong Ferdinand Marcos at isang aso.
Daan-daang lumad din ang nakilahok sa Maynila na nagmula pa sa Mindanao at nanawagan sa gubyerno na wakasan ang mga pagpatay sa mga kabataan at bawiin na ang deklarasyon ng batas militar sa rehiyon.
Maliban sa Luneta, nagkaroon din ng sabayang kilos protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa tulad ng Pampanga, General Santos City, Davao City, Cebu, Pangasinan, Baguio at Cagayan de Oro City.
SMW: RPE