Kasado na ang nationwide walkout ng iba’t ibang youth organizations sa Pebrero 24 at Marso 11.
Ayon kay Anakbayan Chairperson Vencer Crisostomo, ito ay upang iprotesta ang tumataas na matrikula sa bansa.
Inanunsyo ng Anakbayan ang ilulunsad na walkout makaraang isapubliko ng Kabataan Partylist Group ang isinagawa nilang pag-aaral kung saan lumalabas na dumoble ang tuition rates ng iba’t ibang paaralan sa panahon ng administrasyong Aquino.
Tuition fee hike
Nakaamba ang pagtataas ng matrikula sa halos 400 pribadong kolehiyo sa buong bansa sa susunod na pasukan.
Ito ang pinatitigil ngayon ng Kabataan Partylist sa pamahalaang Aquino, partikular sa Commission on Higher Education (CHED).
Ibinunyag kahapon ni Kabataan Rep. Terry Ridon ang impormasyon ukol sa paghahain ng petisyon para makapagtaas ng matrikula ng 400 eskwelahan sa CHED.
Ani Ridon, 15% tution fee hike umano ang hinihingi ng mga eskwelahan pero hindi naman nagbanggit ng anumang kolehiyo o unibersidad ang kongresista.
Ayon sa mambabatas, mas maraming kabataan ang inaasahang mapagkakaitan ng edukasyon hanggang kolehiyo kung magpapatuloy ang pagtaas ng tuition fees sa mga pribadong paaralan.
By Meann Tanbio | Mariboy Ysibido
*Photo Credit: bulatlat.com