All systems go na ang mga ikakasang protesta sa mismong araw ng Asia Pacific Economic Cooperation leader’s meeting.
Ayon kay dating Bayan Muna Representative Teddy Casiño, na isa rin sa mga lider ng people’s campaign against APEC and imperialist globalization o PCAIG, hindi magiging hadlang ang virtual ban ng gobyerno sa mga protesta para silay makapag martsa sa ilang mga kalsada sa metro manila sa panahon ng APEC summit.
Kanila anyang ipagsisigawan na kayang makabuo ng maganda at mas mahusay na mundo kahit walang APEC o Asia Pacific Economic Cooperation.
Ayon kay Casiño, alam nilang haharangan sila at pipigilin na maihayag ang kanilang mga saloobin pero hindi anya ito magiging dahilan para silay hadlangan sa pagmamartsa.
Magsisimula anya ang kanilang rally sa Bonifacio Park s a Manila at susubukan nilang makalapit sa APEC summit venue sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.
Kabilang sa mga inaasahang sasali sa martsa ay ang mga miyembro ng ibat ibang labor unions, farmers associations, indigenous peoples communities, at grupo ng ibat ibang sektor na apektado ng trade at investment policies ma sinusuportahan ng APEC.
By: Jonathan Andal