Wala pang off the hook o abswelto sa lahat ng pangalan at kumpanyang nasangkot sa 81 million dollar money laundering scheme.
Ayon kay Senador Koko Pimentel, bagamat tila kapani-paniwala naman ang mga pahayag ng negosyanteng si Kim Wong sa imbestigasyon ng senado, mahalaga pa ring mapagharap sila ni dating RCBC Jupiter Branch Manager Maia Santos-Deguito upang malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo.
Posible anyang maganap ang paghaharap na ito sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa Martes, April 5.
Sinabi ni Pimentel na tiniyak rin sa kanya ng Anti Money Laundering Council na ipagpapatuloy pa rin nila ang imbestigasyon laban sa RCBC o Rizal Commercial Banking Corporation at maging sa Philrem.
LISTEN: Bahagi ng panayam kay Senator Koko Pimentel
Ayon kay Pimentel, ang mahalaga sa ngayon ay tutukan sa imbestigasyon kung mayroong sindikato sa loob ng bansa na sangkot upang makapasok ang 81 million dollars na ninakaw sa Bangladesh Central Bank.
Sakali naman anyang mapatunayan na walang sindikato ang dapat namang pagtuunan ng pansin ay kung gaano kahina ang sistema at nakapasok ng walang kahirap-hirap sa bansa ang nakaw na 81 million dollars.
Pinag-aaralan na rin anya ng senado sa ngayon kung paano mabibigyan ng mas malawak na kapangyarihan ang Anti-Money Laundering Council.
LISTEN: Bahagi ng panayam kay Senator Koko Pimentel
4.36 M dollars
Isusuko ngayon ng negosyanteng si Kim Wong sa AMLC o Anti Money Laundering Council ang 4.36 million dollars na natira mula sa 81 million dollars na ninakaw ng hackers sa Bangladesh Central Bank.
Ayon kay Senador Koko Pimentel, mismong si Wong ang nag-boluntaryo na isoli ang mga natira sa pera na inilipat sa Midas at Solaire Casinos mula sa RCBC Jupiter Branch.
Inipit anya ni Wong ang pera makaraang magkaroon na sila ng hindi pagkakaunawaan ng mga kasamahan nyang Chinese junket operators.
Samantala, wala naman anyang katiyakan ang sinabi ni Wong na may 17 milyong dolyar pang natira sa Philrem Remittance Company dahil itinatanggi ito ng Philrem.
“Dineny agad ng Philrem yun so magandang issue yun actually, may isang nagsasabi na nandiyan pa sainyo ang pera, sabi ng isa wala sa amin, ibinigay namin kay Wei Kang Su, ang sabi naman ni Kim Wong, eh parati kong kasama si Wei Kang Su, hindi puwedeng mangyari yun kasi parati akong naandun, so kung andiyan pa ang 17 million dollars, i-save natin yun para immediately kung makuha natin ay puwede nating isauli sa Bangladesh.” Pahayag ni Pimentel.
By Len Aguirre | Ratsada Balita