Kumbinsido si Kabayan Party-list Representative Harry Roque na higit pa sa away mag-asawa ang kinasasangkutang kontrobersya ngayon ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Roque na ito ang dahilan ng kanyang paghahain ng resolusyon para maimbestigahan ang pinuno ng COMELEC.
Nais malaman ni Roque kung totoo bang may tinanggap na komisyon si Bautista mula sa kumpanyang Smartmatic noong nakaraang 2016 Elections.
Sa ngayon sinabi ni Roque na wala pang impeachment complaint na nakasampa laban kay Bautista sa Kamara.
Ngunit kung mapapatunayan aniyang may katiwalian sa panig ng COMELEC Chairman ay siya mismo ang mag-eendorso ng reklamo para mapa-impeach sa pwesto si Bautista.