Nilinaw ng Police Regional Office 3 o Central Luzon na hindi nila sinalakay ang opisina ng grupong Kadamay o Kalipunan ng damayang mahihirap sa Pandi,Bulacan.
Ayon kay Police Regional Office 3 Chief Brig. General Rhodel Sermonia, isinuko nina Pandi Kadamay Leader Lea Maralit at anim pa nitong kasamahan ang mga kinuha nilang umano’y subersibong mga dokumento.
Taliwas aniya ito sa naunang ulat na kanilang kinumpiska ang mga dokumento at libu-libong kopya ng Pinoy weekly magazine.
Sinabi ni Sermonia, Hulyo 26 nang magtungo sa pulisya si maralit para hilingin na puntahan ang model house, Villa Louis sa Barangay Siling Bata at kunin ang mga nabanggit na dokumento.
Binanggit aniya ni maralit ang posibilidad na magamit ang mga kinuhang subersibong dokumento sa SONA o State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw.
Dagdag ni Sermonia, nangako na rin ng suport ang grupo ng kadamay sa pandi sa programa ng pamahalaan para matuldukan ang matagal nang problema sa insurgency sa bansa.