Ito’y matapos makipagpulong si Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil at Office of the Executive Secretary Undersecretary Roy Cervantes sa mga lider ng grupo na sina Piston President Mody Florada at Manibela Transport Group Chairman Mar Valbuena ukol sa usapin.
Ayon kay Garafil, nagdesiyon ang Manibela at Piston na itigil ang transport strike na ikinasa bilang pagtutol sa implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program o PUVMP.
Kasabay nito, sinabi ng kalihim na inatasan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na gamitin ang extension ng deadline hanggang December 31, 2023 para sa consolidation ng inputs.
Sinasabing layon nito na muling pag-aralan ang mga probisyon ng Department Order No. 2017-011 o ang Omnibus Franchising Guidelines.
Sa ganitong paraan ay masisiguro na naisaalang-alang ang bawat aspeto ng implementasyon ng programa, kabilang ang pagdinig sa mga hinaing ng mga driver at operator, pagsasagawa ng malalim at malawakang konsultasyon, at mabigyang-diin na ang sentro ng programang ito ay ang mga nasa sektor ng transportasyon.
Ipinagmalaki rin ni Garafil na iisa lamang ang layunin ng gobyerno at ng sektor ng pampublikong transportasyon at ito ay ang magbigay nang maayos, maginhawa, ligtas, at maaasahang serbisyo sa bawat pasahero o mananakay.