Iniulat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nakatulong ang digitalization sa pagtaas ng revenue o kita ng local government units (LGUs).
Sa katunayan, 4 times ang itinaas ng tax collection ng LGUs sa loob ng limang taon ayon kay DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. Mula P50 billion noong 2018, naging P208 billion na ito. Aniya, malaking bahagi dito ang pagpapasimple sa proseso ng mga serbisyo ng pamahalaan dahil sa digitalization.
Matatandaang sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) noong July 24, 2023, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pagpapatupad ng digitalization sa mga mahahalagang serbisyo ng pamahalaan upang mas mapadali ang proseso ng pagnenegosyo at malabanan ang korapsyon.
Katulong ang Department of Information and Communications Technology (DICT), patuloy na isinusulong ng DILG sa LGUs ang kanilang kampanya sa paggamit ng E-Local Government Unit (eLGU) system.
Sa pamamagitan ng eLGU system, maaari nang maka-avail ang publiko ng iba’t ibang serbisyo online tulad ng pagkuha ng business permit, notice of violations, notification system, community tax, health certificates, local civil registry, business tax, at real property tax.
Samantala, ipinag-utos naman ni Pangulong Marcos ang nationwide rollout ng assistance sa LGUs na hindi pa nakapag-set up ng kanilang eBOSS system.
Ang eBOSS o electronic business one-stop shop program ang magstre-streamline at digitalize sa filing process at issuance ng mga dokumentong kailangan upang makapagpatayo ng negosyo tulad ng local business license, permit, clearance, at iba pa.
Masasabing fully compliant sa eBOSS program ang LGU kung mayroon itong online system na tumatanggap ng business applications gamit ang unified application form; nakakapag-isyu ng electronic tax bill, Fire Safety Inspection Certificate Fee, at Barangay Clearance Fee; nakakapagbigay ng electronic version ng permits; at tumatanggap ng online payment.
Ayon kay Sec. Abalos, mula sa higit 1,630 LGUs sa Pilipinas, 921 na ang sumusunod sa digitalization o automation ng mga serbisyo as of December 2023. 799 dito ang gumamit ng eLGU system at 122 ang may sariling sistema. As of September 2023 naman, higit 8,300 permits na ang naaprubahan mula sa 668 cities at municipalities sa bansa.
Kitang-kita ang epekto ng maayos na pagpapatupad ng digitalization dahil mas maraming negosyante na ang nahihikayat na magparehistro ng kanilang negosyo. Ayon nga sa tala ng DILG, tumaas ang bilang ng mga rehistradong negosyo ng 4.4 million mula 1.5 million noong 2018. Nakalikha ang mga ito ng mas maraming trabaho at nakaambag sa paglago ng ekonomiya.
Para kay Pangulong Marcos, hindi lang susuportahan ng digitalization ang pagplaplano at paggawa ng desisyon ng pamahalaan. Aniya, ito ang “greatest at most powerful tool” na magpapadali sa proseso ng panenegosyo at pupuksa sa iba’t ibang uri ng korapsyon.