Aminado ang isa sa mga miyembro ng Metro Manila Film Festival Executive Committee na maaaring bumaba ang kikitain ng walong pelikulang kalahok ngayong taon ng taunang festival kumpara noong 2015.
Ito’y bunsod ng pagkakalaglag sa “Magic 8″ ng mga pelikulang pinagbibidahan ng mga artistang kilala na malakas ang hatak sa takilya sa pangunguna nina Vic Sotto at Vice Ganda.
Ayon kay Executive Committee Member at aktres na si Boots Anson-Roa Rodrigo, noong isang taon ay umabot sa mahigit isang bilyong piso ang kinita ng walong pelikulang lumahok sa MMFF.
Ito’y dahil dalawa sa mga pelikula na tumabo nang husto sa takilya ay ang “My Bebe Love” ni Vic at “Beauty and the Bestie” ni Vice.
Noong 2014, umabot din sa mahigit isang bilyong piso ang kita ng walong pelikula na kinabibilangan ng pelikulang My Big Bossing ni Vic; The Amazing Praybeyt Benjamin 2 ni Vice at Feng Shui 2 ni Coco Martin at Kris Aquino.
Gayunman, hindi nakapasok sa Magic 8 ang Enteng and The Abangers ni Bossing at the Superparental Guardians ni Vice.
By Drew Nacino