Sinuspinde na ang klase sa 7 barangay sa bayan ng San Pascual Sa Batangas, para makontrol ang pagkalat ng Hand, Foot, and Mouth Disease.
Ito ay matapos umabot na sa isandaang mag-aaral sa pitong barangay ang nagpositibo sa HFMD kung saan 17 ang nilagnat.
Ayon kay Municipal Administrator Atty. Sherwin Gardner Barola, mismong si Mayor Antonio Dimayuga ang nagsuspinde ng pasok sa paaralan mula October 18 hanggang 21 alinsunod sa inilabas nitong Executive Order No. 27.
Sakop ng direktiba ang mga mag-aaral mula nursery hanggang grade 3 na mayorya ng mga tinamaan ng sakit.
Ang pitong bayan sa San Pascual na nakapagtala ng kaso ng HFMD ay ang pook ni Kapitan, Pook ni Banal, Resplandor, Natunuan North, Antipolo, Mataas na lupa, at Sambat.
Hinimok naman ni Mayor Dimayuga ang mga paaralan na maglinis at magsagawa ng disinfection sa panahon na walang pasok ang mga mag-aaral.