Nananatiling suspendido ngayong araw na ito ang klase sa Makilala at Kidapawan City sa North Cotabato.
Sa gitna na rin ito ng malalakas na aftershocks matapos ang magnitude 5.6 na lindol sa North Cotabato na nakapinsala sa ilang gusali sa lalawigan.
Nagkasundo sina schools division superintendent Romelito Flores at acting Kidapawan Mayor Jivy Roe Bombeo na kanselahin ang klase sa lahat ng antas sa private at public schools.
Sinabi ni Flores na sinusuri pa rin ng disaster risk reduction and management office ng Department of Education ang mga bitak sa ilang eskuwelahan kabilang ang Kidapawan City Pilot Elementary School.
Kanselasyon din ng klase ang naging hakbang ni Makilala Mayor Armando Quibod para na rin sa kaligtasan ng mga estudyante.
Naitala ng PHIVOLCS ang halos 140 aftershocks mula sa nasabing pagyanig.