Suspendido ang klase at trabaho sa gobyerno sa Tacloban City ngayong araw ng Biyernes, Nobyembre 8.
Ito ay bilang paggunita sa ika-6 na anibersaryo nang paghagupit ng super typhoon Yolanda na kumitil sa libu libong buhay at sumira sa maraming komunidad sa Eastern Visayas nuong 2013.
Sa kaniyang nilagdaang Executive Order, sinabi ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez na tiyak ang pagdating sa lungsod ng local at international organizations para sa mga aktibidad sa nasabing paggunita dahilan kaya’t asahan na aniya ang dagsa ng tao at matinding trapiko.
Subalit inihayag ni Romualdez na tuluy-tuloy ang operasyon ng mga kawani na nasa maintenance ng peace and order, emergencies, health, traffic flow, at disaster management.
Isang misa ang itinakda sa mass grave memorial sa Holy Cross Cemetery ngayong umaga samantalang ang ang memorial program ay isasagawa sa Tacloban City Convention Center mamayang 3 p.m., at Candela Lighting Activity mamayang 6 p.m.
Magugunitang mahigit 6,000 ang nasawi at halos 30,000 ang nasugatan sa hagupit ng bagyong Yolanda.