Kinuwestyon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang pagkakatalaga kay John Castriciones bilang acting secretary ng Department of Agrarian Reform.
Ang KMP na isang makakaliwang grupo ang pinagmulan ni dating DAR secretary Rafael Mariano.
Ayon kay Antonio Flores, secretary-general ng KMP, isang malaking palaisipan kung paano gagampanan ni Castriciones ang trabaho nito gayong wala itong anumang karanasan o background sa mga issue na pang-agraryo.
Hindi anya katanggap tanggap at maituturing na “biro o joke” ang pagkakatalaga kay castriciones na isa sa mga “minion o tagasunod” ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya’t nabigyan ng pwesto sa gobyerno.
Iginiit din ni Flores na ang nabanggit na appointment ay isang patunay na walang pagpapahalaga ang pangulo sa land reform at mga magsasaka.
Si Castriciones ay isang abogado bago italaga sa DILG at vice president ng Mayor Rodrigo Roa Duterte Volunteers Group na nangampanya para kay Duterte noong 2016 elections.