Subsidiya at hindi pautang ang kailangan umano ng mga magsasaka.
Ito ang iginiit ng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa Department of Agriculture (DA) matapos silang pagkalooban ng ahensya ng pautang bilang ayuda kasunod ng pagbagsak ng presyo ng palay dahil sa pag-iral ng rice tariffication law.
Ayon kay Danilo Ramos, Chairman ng KMP, ang mga miyembro ng mga rehistradong kooperatiba ng gobyerno lang ang matutulungan ng naturang pautang.
Aniya sa 2.5 milyong rice farmer sa bansa 150 lamang dito ang rehistrado.
Paliwanag ni Ramos, hindi madali ang sumama at magbuo ng kooperatiba kaya’t maraming magsasaka sa bansa ang napagiiwanan.
Una rito idinaing ng mga magsasaka ang pagbagsak sa P7 hanggang P11 ang presyo ng kada kilo ng palay mula P17 hanggang P20 noong 2018.