Sabay na magmamartsa sa Labor Day ang Kilusang Mayo Uno o KMU at Nagkaisa Labor Coalition na pinangungunahan ng Trade Union Congress of the Philippines o TUCP.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng paggawa sa Pilipinas na nagbigkis ang iba’t ibang labor groups na may magkakaibang adbokasiya at pamamaraan ng pakikipaglaban sa kanilang karapatan.
Pinagbigkis ang iba’t ibang labor groups ng kabiguan ng Pangulong Rodrigo Duterte na lagdaan ang executive order na tatapos sana sa kontraktuwalisasyon.
Malalaking pako ang magiging simbolo ng malaking kilos protesta bilang pagpapakita sa anila’y pangakong napako ng Pangulo.
Binigyang diin ng Koalisyon at KMU na dalawang taon silang nakilahok sa mga diyalogo sa Pangulo at sa Department of Labor and Employment o DOLE at hiningan pa sila ng draft ng EO.
Pero matapos anila ang limang drafts ng EO na isinumite nila sa Malacañang ay nauwi rin sa wala ang lahat ng kanilang pagsisikap.
—-