Inilunsad na ngayong araw ng Philippine National Police o PNP ang mobile application na “Know Your Rights” bilang paggunita sa International Human Rights Day.
Batay sa inilabas na pahayag ng PNP-HRAO o Human Rights Affairs Office, ang paglulunsad ng nasabing application ang magsisilbing ‘highlights’ sa selebrasyon ng PNP ng ‘ National Human Rights Consciousness Week na may temang “Stand Up for Someone’s Right Today.”
Ayon kay PNP-HRAO Head, Chief Supt. Dennis Siervo, magiging laman ng ‘app’ ang ilang mga anti-torture information at ang Miranda rights.
Makikita rin aniya dito ang mga pangunahing karapatan ng isang sibilyan at ang alituntunin sa police operations procedures.
Maaari ring magpadala ng mensahe sa PNP ang publiko gamit ang app, sakaling may mga reklamo sa human rights.
Ang naturang mobile application ay maaaring i-download ng libre sa Google Playstore at maaaring mabuksan ng sinuman kahit walang internet connection.
(Ulat ni Jonathan Andal)