Pinagpapaliwanag umano ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista si Commissioner Rowena Guanzon kung bakit hindi nito idinaan sa kanya ang komento ng poll body sa kaso ni Senadora Grace Poe sa Korte Suprema.
Sa isang memorandum, inatasan ni Bautista si Guanzon na magbigay-linaw kung bakit hindi man lamang ipinabasa sa kanya ang comment ng COMELEC na ipinasa nito sa Mataas na Hukuman.
Giit ni Bautista, isang pagpapakita umano ng kawalang respesto sa kanya ang ginawa ni Guanzon.
Banta ng COMELEC Chairman, kapag nabigo si Guanzon na ipaliwanag ang kanyang panig ay mapipilitan siyang sabihin sa kataas-taasang hukuman na unauthorized ang naturang komento.
Bumuwelta naman si COMELEC Commissioner Rowena Guanzon kay Chairman Andres Bautista.
Ito’y matapos siyang atasang magpaliwanag ni Bautista kung bakit nagsumite ito ng comment sa kaso ni Senator Grace Poe sa Korte Suprema nang hindi idinaan sa kanya.
Sa isang post sa twitter, binigyang diin ni Guanzon na dinungisan ni Bautista ang imahe ng poll body bilang institusyon at gayundin ang kanyang reputasyon bilang commissioner at abogado.
Giit ni Guanzon, hindi siya subordinate o empleyado ni Bautista at wala umano itong administrative supervision o kontrol sa kanya bilang opisyal din ng COMELEC.
Idinepensa naman ni Guanzon ang kanyang aksiyon sa pagsasabing idinaan niya sa COMELEC En Banc ang comment na ipinasa nito sa mataas na hukuman.
Comment
Hindi umabuso sa kapangyarihan ang En Banc ng Commission on Elections o COMELEC nang pagtibayin nito ang dalawang resolusyon na nagkansela sa certificate of candidacy o COC ni Senadora Grace Poe sa pagka-pangulo sa 2016 presidential polls.
Ito, ayon sa komento ng poll body sa mataas na hukuman, kung saan binigyang diin ng mga commissioner na ibinase umano sa ebidensya ang kanilang pasya sa kaso ng senadora.
Matatandaang napilitan ang COMELEC na maghanap ng sarili nitong kinatawan sa comment nito sa Korte Suprema matapos tumanggi ang Solicitor General dahil hawak nito ang isang hiwalay na kaso sa Senate Electoral Tribunal o SET.
By Jelbert Perdez