Nabunyag na hindi lamang isang beses nakapag – palusot ng iligal na droga sa Bureau of Customs (BOC) ang kompaniyang Hongfei Philippines.
Ito ang isiniwalat ni NBI o National Bureau of Investigation Task Force Against Illegal Drugs Chief Jonathan Galicia sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Galicia, maliban sa P6.4-B halaga ng shabu na nakalusot sa Bureau of Customs kamakailan, mayroon pang 800 kilo ng shabu ang naipuslit din ng nasabing kumpaniya noong isang taon.
Sinasabing pagmamay-ari ng Chinese businessman na si Richard Tan ang Hongfei na siya ring itinuturong may-ari ng bodega o warehouse sa Valenzuela City kung saan natagpuan ang 600 kilo ng shabu noong Mayo.
Dahil dito, ipinag-utos ni Senador Richard Gordon ang paglalabas ng hold departure order laban kina Richard Tan at Manny Li na una nang pinatawan ng contempt ng senado sa una nitong pagdinig.