Tiniyak ng Human Rights Victims Claims Board o HRVCB na mababayaran nila ang lahat ng kuwalipikadong human rights claimants bago mag-Mayo 12 ng taong ito.
Sa Mayo 12 nakatakdang magtapos ang trabaho ng Claims Board batay sa isinasaad ng batas na bumuo dito.
Ayon kay Lina Sarmiento, Chairperson ng HRVCB, inaasahan nilang maipamahagi ang 9.75 billion pesos na nakalaan para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng Martial Law sa ilalim ng Marcos administration.
Sa ngayon aniya ay natanggap na ng may mahigit 5,100 human rights claimants ang kanilang kompensasyon.
Sinabi ni Sarmiento na mayroon pa silang naaprubahang mahigit sa 9,000 claimants at maglalabas pa sila ng isang batch bago matapos ang kanilang termino sa Mayo.
“Ang nai-release na naming names ay tatlong batches na so ang unang batch ay binubuo ng 4,000, tapos may sumunod na 2nd batch at 3rd batch, around 5,000 silang lahat, ang nai-publish na nating eligible claimants ay 9,204 so meron pa tayong ipa-publish sa mga darating na araw, pinapasadahan lang ulit ng mga board member ang final batch na.” Ani Sarmiento
Ayon kay Lina, umabot sa mahigit sa 75,000 ang mga nag-apply para makakuha ng kompensasyon.
Gayunman, marami aniya sa mga ito ang hindi naaprubahan dail sa kakulangan ng ebidensya.
“Mayroon din tayong na-deny dahil hindi sapat ang kanilang ebidensya para patunayan ang kanilang claim, ang ating claims process kasi is evidence based so depende sa kanilang kuwento at mga ebidensyang ibinigay, kung masyadong general ang kanilang kuwento at wala tayong makitang detalye, isa ‘yan sa mga dahilan kung bakit sila nade-deny, maaaring ‘yung iba ay tunay pero hindi nila napatunayan.” Pahayag ni Sarmiento
(Ratsada Balita Interview)