Isinapubliko na ni presumptive president Rodrigo Duterte ang komposisyon ng kanyang gabinete sa pag-upo nito sa puwesto simula sa Hunyo 30.
Kabilang sa mga napili ni Duterte na maging miyembro ng gabinete si Bingbong Medialdia bilang Executive Secretary, presidential spokesman Atty. Salvador Panelo, Peter Laurel ng Department of Education, Arturo Tugade ng Department of Transportation and Communications at Carlos Dominguez ng Department of Finance.
Sinabi ni Duterte na kakausapin pa niya si Gilbert ‘Gibo’ Teodoro para maging kalihim ng Department of National Defense.
Dalawa naman ang itinalaga ng bagong presidente para sa peace process at ito ay sina dating Secretary Jesus Dureza para sa Mindanao at Bebot Bello para naman makipag-usap sa kilusang komunista.
May alok din si Duterte sa mga opisyal ng Communist Party of the Philippines para mamuno sa Department of Agrarian Reform, DENR, DOLE at DSWD.
Tatlo ang pinagpipilian para mamuno sa Philippine National Police, habang ang naging runningmate nitong si Senador Allan Peter Cayetano ay inalok para maging kalihim ng Department of Foreign Affairs o kaya’y Department of Justice.
Gagawin namang acting secretary ng DOJ si dating Securities and Exchange Commission chairman Perfecto Yasay, habang hindi pa nakapipili si Cayetano kung alin ang pipiliin sa DOJ AT DFA.
By: MeAnn Tanbio