Bumubuti na ang kondisyon ng 15-anyos na dalagita na tinamaan ng bala sa insidente ng pamamaril sa Malabon City noong bisperas ng Bagong Taon.
Ayon sa pamunuan ng Jose Reyes Memorial Medical Center, bumaba na ang lagnat ni Emilyn Villanueva, ngunit nakakabit pa rin ang respirator nito.
Patuloy din ang pagbibigay ng mga doktor ng medication kay Villanueva upang maiwasan ang pagkakaroon ng brain injury lalo’t nagtamo ito ng tama ng bala sa may bandang batok.
Ipinabatid ni Dr. Eric Tayag, tagapagsalita ng Department of Health (DOH) na sasagutin ng kagawaran ang hospital expenses ni Villanueva.
By Meann Tanbio