Umalma ang UN Rapporteur sa mga inilatag na kondisyon ng Duterte administration bago sila makapagsagawa ng imbestigasyon sa mga di umano’y paglabas sa karapatang pantao sa Pilipinas.
Ayon kay UN Special Rapporteur for Extrajudicial Killings, Agnes Callamard, labag sa kanilang code of conduct ang mga ibinigay na kondisyon ng Duterte administration.
Sa kanyang liham sa pamahalaan ng Pilipinas, sinabi ni Callamard na malinaw sa kanilang code of conduct na hindi sila maaaring humingi o tumanggap ng anumang instruction mula sa kahit anong pamahalaan.
Sa halip, iminungkahi ni Callamard na bigyan ng private debriefing ang Malacañang sa magiging resulta ng kanyang imbestigasyon bago sila kapwa humarap sa isang press conference.
Una rito, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay na puwede lamang magtungo sa Pilipinas ang UN Rapporteur kung papayag silang makipag-debate muna sa Pangulong Duterte, dapat payagang makapagtanong sa kanila ang Pangulo at dapat ay under oath ang Special Rapporteur na sasagot sa mga tanong.
Matatandaan na mismong ang Pangulo ang nag-announce na inimbitahan niya ang UN Special Rapporteurs at maging ang European Union na imbestigahan ang kanyang giyera kontra droga kung saan libu-libo na ang namamatay.
By Len Aguirre