Ibinabala ni Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate na lalo pang tataas ang inflation rate sa hinaharap.
Ito ay matapos na pumalo sa 6.4 percent ang inflation noong Agosto.
Iginiit ni Zarate na dapat isisi kay Pangulong Rodrigo Duterte at economic managers nito ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin.
Gayunman, hindi pa aniya matatapos ang pasakit na nararanasan ng publiko dahil sa susunod na taon ay dodoble pa ang itataas ng presyo ng mga bilihin kapag hindi naibasura ang TRAIN 1 at 2.
Kaugnay nito, nanawagan si zarate sa pamahalaan na isantabi muna ang pamumulitika at pang ha harass sa oposisyon at pagtuunan ng pansin kung paano maibaba ang presyo ng mga bilihin.
Ilang senador naalarma sa pagtaas ng inflation rate
Nagpahayag din ng pagkaalarma ang ilang senador sa muling pagtaas ng inflation rate na umabot sa 6.4 percent para sa buwan ng Agosto.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, sapul ng pagtaas ng inflation ang pinakamahihirap sa bansa.
Aniya, dapat kumilos na ang Malakanyang sa pamamagitan ng pagbuo ng counter inflation task force para gumawa ng paraan para mapahupa ang inflation rate.
Samantala, naniniwala naman si Senador Bam Aquino na ang tanging paraan para bumama ang inflation ay pagsuspinde sa excise tax sa ipinapataw sa mga produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN law.
—-