Nanindigan si ACTS-OFW party-list Rep. John Bertiz na hindi siya magbibitiw sa Kongreso.
Ito’y sa kabila ng mga panawagan ng kaniyang pagbibitiw dahil umano sa kaniyang pag-uugali na hindi dapat sa isang kawani ng gobyerno.
Ayon kay Bertiz, hindi pa siya maaaring mag-resign dahil marami pa aniyang manggagawang Pilipino sa ibayong dagat ang kailangan niya pang tulungan. Naging mainit si Bertiz sa mata ng publiko matapos mag viral sa social media ang inasal nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Una pa rito ang video rin ng kongresista sa isang forum ng mga board passer ng agricultural at biosystems engineer’s licensure exam kung saan sinabi nito na hindi bibigyan ng lisensya ang mga hindi nakakakilala kay Special Assistant to the President (SAP) Bong Go.
Kumalat na rin ngayon ang video ni Bertiz kung saan nakikipagtalo sa isang lider ng mga OFW sa Hong Kong.
OFW groups pinanawagan na magbitiw ang mambabatas sa pwesto
Ipinapanawagan ng grupo ng mga overseas Filipino workers (OFWs) ang pagbibitiw ni ACTS-OFW party-list Rep. John Bertiz.
Ito’y matapos masangkot ang kongresista sa sunod-sunod na kontrobersiya kung saan nagpapakita ng hindi kagandang asal.
Ayon kay Eman Villanueva, secretary-general ng United Filipinos – Hong-Kong Migrante, humingi man ng tawad si Bertiz ay dapat pa ring managot ito sa kaniyang mga naging kilos at pag-uugali.
Para naman kay Arman Hernando, spokesperson ng Migrante International, wala nang kakayahan pa ang kongresista para iriprinsenta ang mga OFW.
Giit pa ni Hernando ang mga kagaya ni Bertiz ay walang lugar dapat sa Kongreso.