Nagbabala ang United Nations na posibleng lumabag ang Pilipinas sa International Human Rights Law.
Ito’y makaraang lumusot sa committee level ng mababang kapulungan ang panukalang ibalik ang parusang bitay sa bansa.
Kasunod nito, nagpadala ng liham si UN High Commissioner for Human Rights Zeid Ra’ad Al Hussein kina Senate President Koko Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez.
Binigyang diin ni Al Hussein sa nasabing liham na walang sinuman ang dapat mabitay mula sa mga bansang lumagda sa kasunduang nagpapahalaga sa karapatang pantao.
Partikular na tinukoy ni Al Hussein ang Second Optional Protocol to the International Covenant on Civil and Political Rights kung saan, signatory ang Pilipinas noong 2007.
CBCP
Samantala, nanawagan naman ang Simbahang Katolika sa mga miyembro nito na labanan ang tangka ng Kongreso na buhayin parusang kamatayan.
Hinimok din ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga Katoliko na i-monitor ang deliberasyon sa Kamara ng death penalty bill na tatalakayin sa plenaryo sa susunod na linggo.
Ayon kay Rodolfo Diamante, Executive Director ng CBCP Episcopal Commission on Prison Pastoral Care, dapat magtungo ang mga kontra sa death penalty sa House Gallery sa December 12 at 14.
Naniniwala anya ang mga Katoliko bilang “right-minded individuals” sa kasagraduhan ng buhay at dignidad ng bawat tao kaya’t dapat labanan ang death penalty bill na isang anti-poor measure.
Iginiit din ni Diamante na paglabag sa international agreements laban sa capital punishment na nilagdaan ng Pilipinas kung ibabalik ang parusang bitay.
By Jelbert Perdez | Drew Nacino