BINATIKOS ni dating Department of Education (DepEd) Undersecretary Epimaco Densing III ang aniya’y hindi makatuwirang pagtrato sa kanya sa nakaraang pagdinig ng isang komite ng Kongreso kung saan siya ay pinaratangan ng katiwalian ng isang mambabatas na makakalaban niya sa halalan sa pagka-gobernador ng Surigao del Sur sa 2025.
Sina Densing at Pimentel ay magkakatunggali sa posisyon ng gobernador ng Surigao del Sur sa halalan ng susunod na taon.
Pinaratangan ni Rep. Johnny Pimentel nitong Huwebes si Densing na humingi sa mga kongresista ng komisyon na hanggang 18% sa contract price ng school building projects sa kani-kanilang distrito nang siya ay mahirang na opisyal ng ahensya na namamahala sa pagtatayo ng mga gusali.
“Well first of all it’s a blatant lie asking for commission. It is the very reason I’m process-oriented,” diin ni Densing.
Nilinaw niya na wala siyang kasamang Arch. Ralph Tecson nang makausap niya ang tatlong kongresista na sinabi ni Pimentel na umano’y ipinakilala niyang kanyang kontraktor. “Kaya siya ang sinungaling,” dagdag ng dating opisyal ng DepEd.
Giit ni Densing, ginagamit ni Pimentel ang House Committee on Good Government and Public Accountability para sa political persecution ng dating DepEd official.
Ipinagkakalat pa ni Pimentel ang kasinungalingan na sinibak umano sa puwesto si Densing samantalang ito ay kusang nagbitiw upang tumakbong gobernador sa Surigao del Sur.
Nagbanta pa ang mambabatas na papatawan ng contempt si Densing dahil sa sinasabing pagsisinungaling.
“He’s turning the House panel into a kangaroo court. Why can’t he fight me fair and square next elections?” giit ni Densing.