Isinantabi ng kongreso ang panukalang italaga si Transportation Secretary Arthur Tugade bilang traffic crisis manager ng bansa.
Ito’y bilang bahagi umano ng emergency powers na ipagkakaloob kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit ni Catanduanes Rep. Cesar Sarmiento, chairman of the house committee on transportation, nais muna nilang malaman kung saang bahagi ng bansa ang mayroong traffic crisis.
Sinasabing walang partikular na tinukoy ang Department of Transportation o DoTr kung saan nagkakaroon ng krisis sa trapiko kaya’t naudlot ang isinusulong na pagtatalaga kay Tugade bilang traffic crisis manager.
Gayunman, inaprubahan ng komite ang paglikha ng technical working group na magko-consolidate ng sampung panukalang batas na pamumunuan ni Speaker Pantaleon Alvarez na nakabinbin din sa kongreso at may kaugnayan din sa itinutulak na emergency powers.
Ayon kay Sarmiento, kailangang isantabi muna at pag-aralang mabuti ang 40 pahinang draft ang DoTr na magbibigay ng dagdag na kapangyarihan kay Tugade.
Paliwanag ng kongresista, dapat tukuyin ng DoTr ang mga parameters o limitasyon ng emergency powers.
Pinagsusumite rin ng house panel si Tugade ng “roadmap” ukol sa naturang panukala.
By Jelbert Perdez