Hinimok ng Kongreso ang Commission on Elections (COMELEC) na i-urong ang petsa ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa Mayo 13, 2019 midterm elections.
Kapwa hiniling ng Kamara at Senado sa kani-kanilang resolusyon na gawing Oktubre 11 hanggang 17 ang COC filing mula sa orihinal na petsang Oktubre 1 hanggang 5.
Walang senador na tumutol sa resolusyong inihain ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III at ito ay unang dinala sa Committee on Rules subalit nag move si Senador Joel Villanueva na itinalagang majority leader sa nasabing sesyon para sa adoption ng resolusyon.
Sina House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at Majority Leader Rolando Andaya ang naghain ng parehong resolusyon sa Kamara.
Walang dahilang inilagay sa Senate resolution subalit sa Kamara, inihayag nitong dapat maipagpaliban ang COC filing para may oras ang mga kongresistang makagawa ng kanilang legislative duties at ma meet ang deadline para sa paghahain ng COC.
Tinukoy sa House resolution ang sesyon ng 17th Congress mula Agosto 28 hanggang Oktubre 12 at adjournment sa Oktubre 13 hanggang Nobyembre 11.
(Ulat ni Jill Resontoc)
Congress has approved the resolution urging Comelec to reset the filing of COC for the 2019 National and Local Elections (filed by Arroyo and Andaya) @dwiz882 pic.twitter.com/1yVX80revX
— Jill Resontoc – DWIZ -882 AM radio (@JILLRESONTOC) September 10, 2018